Sinunog ng Philippine National Police ang mahigit 1,200 iba’t ibang kalibre ng mga baril kasabay ng selebrasyon ng ika-anim na anibersaryo ng United Nations Conference on the Illicit Trade in Small arms and Light Weapons in all its aspect”, kahapon sa Camp Crame.
Pinangunahan ni DFA Assistance Secretary for United Nations and other international organizations Evan Garcia ang naturang panununog kasama sina Ambassador Florencio Fianza, special envoy on transnational crime at Jasmin Nario Galaca na siya namang executive director ng Philippine Action Network on Small Arms.
Sinabi ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Calderon, ang aktibidad ay bahagi ng program of action ng pamahalaan upang maiwasan, labanan at buwagin ang mga ilegal na bentahan ng mga baril sa bansa.
Ito anya ay bahagi ng international commitment ng Pilipinas upang makontrol ang ilegal na paggawa ng mga baril.
Tiniyak naman ni Firearms and Explosives Division head, Chief Supt Florencio Caccam, ang naturang aktibidad ay simula lamang ng kanilang aksyon kung saan 33,000 piraso pa ng mga unserviceable firearms ang nakatakdang sunugin.
Samantala, inamin din kahapon ni Civil Security Group Director, Chief Supt. Romeo Ricardo na may ilang legitimate gun dealers ang kanilang minamanmanan dahil sa posibilidad ng pagkakasangkot sa gun smuggling. Sinabi ng opisyal na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa mga legitimate gun dealers na pansamantala nitong hindi tinukoy ang pangalan.
Ayon kay Ricardo na ilan sa mga ito ay nagpupuslit ng mga baril sa pamamagitan ng misdeclaration. (Edwin Balasa)