Patay ang isang mensahero ng isang gasolinahan makaraang pagbabarilin ng mga holdaper na nakasakay sa motorsiklo habang magdedeposito sana ito sa isang bangko, kahapon ng umaga sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Alvin Garcia, 29, mensahero ng Shell gasoline station na matatagpuan sa panulukan ng E. Rodriguez Ave. at Judge Jimenez St., Brgy. Kristong Hari, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga hindi kalayuan sa naturang gasolinahan. Patungo sana sa kalapit na bangko ang biktima upang magdeposito ng kinita ng gasolinahan nang harangin ng mga suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Nabatid na posibleng pumalag ang biktima nang tangkaing agawin ng mga suspek ang dala nitong backpack bag kung saan nakalagay ang hindi pa mabatid na halaga ng pera. Dito na pinaputukan ng mga holdaper si Garcia saka mabilis na tumakas. Isinugod naman sa St. Luke’s Medical Center si Garcia ngunti hindi na ito umabot ng buhay bunsod ng tinamong tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo at katawan.
Nabatid sa mga saksi na dalawa pang motorsiklo ang nakabantay at nagsilbing look-out sa krimen na mabilis ring nagsitakas matapos ang krimen. (Danilo Garcia)