Dalawang hinihinalang carjackers ang bumulagta nang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Isa pa lamang sa mga suspect ang nakilala batay sa nakuhang police clearance sa katawan nito na si Danilo Enriquez, residente ng Sumapang Matanda, Malolos City, Bulacan.
Ang isa pang hindi nakilalang kasama nito ay nakasuot ng pulang polo shirt, maong na pantalon at itim na tsinelas.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District, dakong ala-1:20 ng madaling-araw nang maispatan ng mga awtoridad ang kulay gold na Mitsubishi Adventure na walang plaka sa Commonwealth Avenue.
Nabatid na nagsasagawa noon ng surveillance operation ang mga awtoridad kaugnay sa lumalalang kaso ng robbery hold-up sa naturang lugar nang maispatan ang sasakyan sa harapan ng UP Atomic Center.
Nang parahin ng mga awtoridad ang sasakyan upang sitahin ay mabilis itong pinasibad ng mga suspek kasabay ng pagpapaputok sa mga pulis.
Napilitan namang gumanti ng putok ang mga awtoridad hanggang sa tumimbuwang ang mga hinihinalang carjackers.
Narekober sa lugar ang isang kalibre 38 at kalibre 45 at mga empty shell ng M16 rifle, habang sa loob naman ng van ay iba’t ibang plaka ng sasakyan.