Isinampa kamakalawa ng National Bureau of Investigation sa Makati City Prosecutor’s Office ang kasong kriminal laban sa dalawang Koreano at apat na babaeng bugaw na dawit sa ilegal na operasyon ng mail-order-bride sa Korea at bumibiktima ng mga Pilipina.
Kinilala ni NBI-Special Action Unit Regional director Vicente de Guzman III ang mga akusadong Koreano na sina Seung Han Lee at Moo Hwan Lee na nanunuluyan sa San Miguel Village, Makati City.
Inihabla rin ng NBI ang mga Pilipinang bugaw na sina Susana Obano ng Napico, Pasig City; Girlie Alayon ng Taytay, Rizal; Jane Mahusay ng Silang, Cavite; at isang Marlene Ambasan.
Naakusahan ang anim na suspek sa pagbebenta ng mga kabataang Pilipina sa mga Koreano sa pamamagitan ng “mail-order.
Nadakip ng NBI sa isang entrapment operation noong nakaraang linggo ang mga suspek maliban kay Ambasan na nakatakas. (Evelyn Z. Macairan)