Nakatakdang ilunsad bukas ng may 300 mga pribadong ospital ang kanilang welga bilang protesta sa bagong batas na nagpapahintulot na makalabas ang mga pasyente kahit walang pambayad.
Nakapaloob dito, na sa araw na ito tanging mga emergency cases lamang ang tatanggapin ng mga pagamutan.
Nakikita ng mga pribadong ospital na ang bagong batas na Republic Act 9439 o Patient’s Illegal Detention Act na nilagdaan ng Pangulong Arroyo noong Mayo 2 ang siyang papatay sa kanila.
Nakapaloob sa naturang batas ang pagbabawal sa mga pagamutan na ipitin ang mga pasyente na hindi nakakabayad, kundi ang kailangan lamang ay papirmahin ang mga ito sa promissory note para makauwi.
Iginiit naman ng ospital owners na sila naman ang papatayin ng batas. Sinabi pa ng mga ito na base sa talaan, isa lang sa bawat 10 nag-iiwan ng promissory note ang bumabalik upang magbayad.
Dahil nga dito nagkasundo ang may 300 private hospital na isagawa ang “hospital holiday” bukas .
Sa araw na ito, hindi sila tatanggap ng mga bagong pasyente maliban na lamang kung emergency.
Balak nila itong ulit-ulitin kada buwan hanggang matapos ang taon.
Samantala, hindi umano dapat na ikatakot ng mga mamamayan ang Hospital holiday na isasagawa ng mga pribadong ospital.
Ito ang naging pahayag kahapon ni Dr. Robert So ng Department of Health (DoH) kaugnay sa isasagawang hospital holiday ng mga pribadong ospital bukas, kasabay nang pagsasabing pampublikong ospital sa mga pasyenteng dadagsa dito sa oras na tanggihan ang mga ito ng mga private hospitals.
Ikinatuwiran pa ni So na hindi dapat matakot ang mga mamamayan na nagpapasuri sa mga pribadong ospital sa oras na isakatuparan ng mga ito ang Hospital Holiday dahil babalangkas pa ang DoH ng mga implementing rules ukol dito.
Gayunman, sa kabila ng gagawing protesta ng mga may-ari ng mga pribadong ospital ay dapat pa rin umanong pasalamatan ang mga ito dahil kahit na hospital holiday ay tatanggap pa rin ang mga ito ng pasyente kung emergency.
Aniya, bukas din ang DoH sa anumang hinaing at mungkahi ng mga may-ari ng mga pribadong ospital sa oras na babalangkasin na nito ang implementing rules ng Republic Act 9439-Patient’s Illegal detention act.