Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 24-anyos na apo ni “Comedy King” na umano’y nagtago dahil sa kasong pagpatay sa isinagawang follow-up operation sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng NBI Director Nestor Mantaring ang suspect na si Rowell Quizon, isang singer/entertainer, anak ng yumaong Freddie Quizon, ng Coral at Juan Luna Sts., Tondo.
Pinaghahanap din sina Marlon Dela Cruz at isang “Philip”, na kakutsaba ni Quizon.
Si Quizon ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Ruben Reynaldo Roxas ng Manila RTC Br. 12 dahil sa pagpatay sa isang Jeffrey Vergara, residente rin ng Tondo.
Ayon sa rekord, naganap ang pagpatay noong Disyembre 20, 2006 habang nagpapahinga umano ang biktima ay sinugod ng mga suspect at pinagtulungan patayin.
Pero ayon kay Quizon, hindi umano nila pinatay ang biktima kundi aksidente lamang ito makaraang maitulak ito at tumama sa semento ang ulo. Itinanggi rin ni Quizon na siya ay nagtago at sinabing nasa loob lamang siya ng kanilang bahay. (Doris Franche)