Blangko pa rin ang pulisya sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa umano’y pagkakadukot sa misis ng kontrobersiyal na negosyanteng si Mark Jimenez. Kahapon ay tinangkang pasukin ng pulisya ang isang drug rehabilitation center sa Parañaque City makaraang maglabas ng pahayag si Jimenez na kasalukuyang ginagamot doon ang kanyang misis na si Carol Castañeda.
Nabigo namang makapasok ang pulisya sa loob ng nasabing rehabilitation center matapos na sabihin sa kanila ng mga awtoridad na nagbabantay doon na wala roon ang nasabing misis ni Jimenez. Batay sa ulat ng Southern Police District (SPD), kahit pa man pinakilos na ang PNP Anti-Kidnapping Task Force sa buong Metro Manila ay bigo pa rin ang kapulisan na matukoy at mahanap kung saan dinala si Castañeda.
Magugunita na iniulat na pwersahang tinangay si Castañeda ng walong armadong katao sa harapan mismo ng tinutulayan nitong Tuscany Condominium sa Makati City dakong alas-10 ng umaga kamakalawa. Malaki naman ang hinala ng pamilya ni Castañeda na posibleng may kinalaman umano si Jimenez sa pagkakadukot sa una kung saan ay mariin namang pinabulaanan ito ng huli. (Rose Tamayo-Tesoro)