Agad na nasawi ang isang binatilyo makaraang mahagip ng isang rumaragasang bus nang tangkain nitong tumawid sa EDSA sa Quezon City kahapon ng madaling araw. Basag ang bungo matapos na bumagsak sa semento ang biktimang nakilalang si Eddie Bralda, 17, at residente ng Royal Avenue, Muñoz, ng naturang lungsod. Nakilala naman ng pulisya ang tumakas na suspek na si Marcelino Vergara, driver ng bus ng Mass Transport na may plakang (PYJ-350).
Sa inisyal na ulat ng QCPD-Traffic Management Group, naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling-araw sa kahabaan ng EDSA sa tapat ng Muñoz Market. Mistulang nakikipagpatintero sa mga sasakyan ang biktima habang tumatawid ito ng EDSA nang mahagip ng bus na minamaneho ni Vergara na hindi nakaiwas kay Bralda.
Agad na tumalsik sa kalsada ang biktima at nabagok ang ulo sanhi ng agad nitong kamatayan. Mabilis namang pinasibad ng driver ang kanyang bus upang tumakas ngunit nakilala pa rin ito ng pulisya nang tawagan ang kumpanya nito at tukuyin ang kanyang pagkakakilanlan. Nakiusap naman ang pulisya sa pamunuan ng Mass Transport na isuko si Vergara at kung posibleng sagutin ang pagkamatay ng biktima. Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide si Vergara. (Danilo Garcia)