Lamang na lamang sa ginaganap na bilangan sa katatapos na election si Caloocan City incumbent Mayor Enrico “Recom” Echiverri laban sa kanyang mga katunggali sa pagka-alkalde ng lungsod. Base sa nakalap na impormasyon, nakakuha si Echiverri ng 60% habang ang natitirang 40% ay pinaghatian naman ng kanyang mga kalaban na sina Luis “Baby” Asistio, kapatid nitong si Macario “Boy” Asistio, Jr. at Reynaldo Malonzo. Ayon sa mga political analyst, ang “overwhelming” na pagtanggap kay Echiverri ng mga botante ay base na rin sa ipinakitang magandang serbisyo nito kaya’t muling pinagkatiwalaan ng mga taga-Caloocan. Samantala, nagpasalamat naman si Recom sa mga residente ng lungsod dahil sa ipinakitang pagsuporta nito sa kanyang kandidatura at sa muling pagbibigay ng tiwala sa kanyang kakayahan na makapagsilbi sa mamamayan ng Caloocan. Kaugnay nito, lumalamang din ang mga kapartido ni Echiverri sa Lakas-NUCD kaya’t naniniwala ang mga residente na posibleng manalo ang mga kapanalig ng alkalde na siyang magiging katuwang nito sa pagpapaganda ng lungsod.