Nabatid na unang naglaan ng reward money na P100,000 ang magulang ng biktimang si Roland Anthony Lim, 16, estudyante, residente ng No. 12 Singapore St., Better Living Subdivision Brgy. Don Bosco, Parañaque City laban sa suspect na si Anthony Borines, 21, residente ng Brgy. 201 Zone 20 Kalayaan Access Road, Pasay City.
Bukod dito, nagbigay din ang pamahalaang lungsod ng Parañaque ng karagdagang pabuyang P100,000 habang naglabas din ng halagang P50, 000 ang pamunuan ng SPD na umabot na sa kabuuang P250,000 reward money para sa mabilisang pagdakip sa suspect na si Borines.
Malaki ang paniwala ni SPD Director Chief Supt. Roberto Rosales, na ang paglalaan ng malaking pabuya ang siyang magbibigay daan sa mga mamamayan na magka-interes na ituro ang suspect sa kanyang pinagtataguan.
Sa rekord ng pulisya, naglalaro ng video games ang batang Lim nang agawin ni Borines ang kanyang mamahaling cellphone sa loob ng Galaxy Internet Cafe na matatagpuan sa Saudi Arabia St., kanto ng Somalia St., Better Living Subd. noong nakalipas na Abril 18 dakong alas-8:40 ng gabi.
Matapos makuha ng suspect ang cellphone ng biktima ay agad na tumakas palabas ng computer shop ngunit hinabol siya ng binatilyo upang bawiin ang kanyang cellphone na humantong naman sa suntukan hanggang sa barilin siya sa ulo ni Borines.
Ang suspect na si Borines ay sangkot din sa kasong snatching, pagnanakaw at panghoholdap sa lungsod ng Pasay.
Ilang araw na na-comatose sa San Juan De Dios Hospital ang biktima bago ito tuluyang binawian ng buhay noong Abril 27. (Rose Tamayo-Tesoro)