Pinabulaanan ng suspect na si Marcelino Federes, 23, ng Brgy. Signal Village, Taguig ang akusasyon sa kanya bagaman positibo siyang naituro ng nakaligtas na biktimang itinago sa alyas na Dora, 16.
Sinabi ni Dora na si Federes ang dalawa sa mga salarin na gumahasa at pumatay sa kanyang kaibigan at kaeskuwela sa Signal Village High School na si Irene Evangelista.
Nabatid na hindi nagawang halayin ng mga suspek si Dora bunga ng pagkakaroon niya ng buwanang dalaw bagaman pinaghahalikan at pinaghihipuan din siya ng mga suspek bago hinataw ng bato sa ulo at pagtangkaang balian ng leeg.
Ayon kay SPO1 Jhong Cangco ng Criminal Investigation Division ng Taguig Police, una nang nagsumbong sa kanila ang 14-anyos na kapatid ni Evangelista na si Boy kaugnay sa umano’y pangungulit ni Federes sa kanyang mga kaibigan kaugnay sa pagkamatay ng kanyang kapatid
Bunga ng naturang impormasyon, matiyagang tinugaygayan ng pulisya si Federes hanggang sa makitang bumalik ito sa pinangyarihan ng krimen sa abandonadong bahay sa Durian St. dakong alas-11:20 ng gabi kamakalawa dala ang isang kandila na tila may hinahanap.
Nang sitahin ng mga pulis, sinabi ni Federes na hinahanap lamang niya ang nalaglag na cellphone at kaagad na itinanggi na may kinalaman siya sa naganap na krimen.
Gayunman, nang ipakita ng pulisya ang larawan ni Federes kay Dora sa pinagdalhang pagamutan ay positibong kinilala ng huli ang suspek.
Samantala, nilinaw ni Dora na kaibigan nila at walang kinalaman sa krimen ang naunang isinangkot dito na si Mario Bustamante.
Ayon kay Dora, si Bustamante pa umano ang naghatid sa kanila sa bahay nang magpasama silang manood ng tugtugan ng mga banda sa malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Sinabi pa ni Dora na muli silang lumabas ng bahay noong Huwebes ng gabi upang bumili ng tinapay nang tutukan sila ng patalim ng mga suspek, kaladkarin sa abandonadong bahay, ginahasa si Evangelista bago ito hinataw ng bato sa ulo at sinaksak ng icepick sa tagiliran.
Kusang iniwanan uma no sila ng mga suspek sa akalang pati siya ay patay na rin matapos na hatawin ng bato at tangkang baliin ang kanyang ang leeg. (Rose Tamayo-Tesoro)