Ayon sa nakalap ng report, sa kasalukuyan ay 58 preso ang nakapiit ngayon sa naturang piitan ngunit may kapasidad lamang ang kulungan para sa 30 katao, kung saan mayroon itong tatlong selda.
At dahil sa masikip na at mainit pa halos lahat ng mga bilanggo ay mayroon ng mga sakit na pigsa, bulutong tubig, galis aso, kurikong, eczema, bungang araw, lagnat at iba pang sakit sa balat dahil sa nagkakahawaan na ang mga ito.
Dalawa sa mga inmates na nakilalang sina Roger Espineda na may kasong theft at Romano Quindo na may kaso namang physical injuries ang malala na ang mga tumutubo sa katawan.
Nabatid na si Espineda ay inilabas na ng mga awtoridad sa selda dahil nahihirapan na itong huminga at napag-alaman din na ilang pagamutan na rin ang tumangging tumanggap dito dahil sa pangambang makahawa ng kanilang mga pasyente.
Ayon naman sa pamunuan ng JMS, hindi nila mapigil ang pagdami ng mga preso sa naturang piitan dahil na rin sa pagdami ng mga gumagawa ng krimen.
Hindi rin umano agad na naililipat sa Caloocan City Jail ang mga inmates ng JMS dahil matagal ang pagbaba ng "commitment order" ng mga ito dahilan upang patuloy na dumadami ang mga preso dito. (Lordeth Bonilla)