Tsinoy nilooban saka pinatay

Isang negosyanteng Tsinoy ang nilooban at saka pinatay sa loob ng kanyang kuwarto, kahapon ng madaling-araw sa Binondo, Maynila.

Tinatayang may ilang oras ng patay ang biktimang nakilalang si Silverio Medel, may negosyong buy and sell at naninirahan sa Room 408 Toremar Bldg. E. Madrid St., Binondo.

Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District (MPD) homicide section dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang matagpuan ng kanyang misis na si Aida at katulong na si Edith Ricablanca ang biktima sa loob ng kanyang kuwarto.

Ayon sa salaysay ni Ricablanca, napansin niya sa kanyang paggising na bukas ang pintuan sa kusina. Agad niyang pinuntahan ang kuwarto ng kanyang among babae na si Aida upang ipag bigay-alam ang nadiskubre at nagtungo naman sa kuwarto ng biktima na katabi lamang ng kuwarto ni Aida.

Laking gulat nila nang makita sa loob ang duguang bangkay ng biktima na may malaking sugat sa ulo sanhi nang paghataw ng matigas na bagay.

Nakabukas din ang cabinet ng biktima at nagkalat ang mga gamit nito, palatandaan na naghalughog ang mga suspect.

Wala rin ang wallet ng biktima na pinaniniwalaang tinangay din ng mga suspect.

Ayon sa pulisya posibleng nagawang makapasok sa likurang bahagi ng bahay ng suspect at maaaring nagising ang biktima kung kaya tinuluyan ito bago kinuha ang mga mahahalaga nitong gamit.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol dito. (Doris Franche)

Show comments