Decongestion program ng PAO, sinimulan sa QC jail

Nag-umpisa na ang mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) sa kanilang programang decongestion sa mga mala-sardinas na kulungan nang umpisahang dalawin ang Quezon City Jail na naglalaman ng mahigit sa 3,000 mga preso.

Nagtungo na kamakalawa sa Quezon City Jail kung saan inumpisahang mag-interview ng daan-daang mga bilanggo na nakabinbin ang mga kaso sa korte.

Ayon kay PAO chief, Atty. Percida Rueda Acosta, layunin ng kanilang programa na paluwagin at ayusin ang kondisyon ng mga city jail sa buong Metro Manila. Pangunahin nilang tututukan na mapalabas na ng kulungan ang mga preso na napagsilbihan na ang katumbas na bilang ng taon na pagkakulong sa kanilang mga kasong kinakaharap.

Kabilang sa mga bilanggo na kinapanayam ng PAO sina Francisco Oliva at Michael Cruz. Nabiyayaan ng naturang programa si Cruz na maaari nang makalaya matapos na mabatid ng PAO na napagsilbihan na nito ang kanyang 12 taong pagkakulong sa kasong kinakaharap habang si Oliva naman ay nabigyan ng schedule para sa hearing ng kanyang kaso na isang taon nang nakabinbin.

Nabatid na kaya lamang maglaman ng 800 hanggang 900 na mga bilanggo ang Quezon City Jail ngunit umaabot na sa higit 3,000 preso ang nakaditine dito. Nabatid rin ng PAO na nakahalo ang mga presong may problema sa pag-iisip sa mga regular na mga bilanggo.

Kasabay ng programa, nagsagawa rin ng medical mission ang PAO upang masolusyunan ang problema sa kalusugan ng ilang mga bilanggo dahil sa sobrang siksikan.

Ayon sa PAO, hindi lamang ang Quezon City Jail ang nahaharap sa naturang mga problema ng sobrang pagsisiksikan ngunit maging ang iba pang city jail sa Metro Manila na kanila namang dadalawin sa susunod na mga araw. (Danilo Garcia)

Show comments