Internet café hinoldap, kostumer patay

Isang kostumer ng isang internet café sa Las Piñas ang nabaril at napatay nang tumanggi itong ibigay ang kanyang cellphone nang pumasok at manloob dito ang tatlong armadong kalalakihan sa naturang lungsod.

Kinilala ni P03 Albert Arevalo, ng Las Piñas City Police ang biktimang si Daniel Dulalas, 27, binata at residente ng Azalea Subdivision Pulang Lupa at empleado ng JP Morgan Chase Center. Isang tama ng bala ng baril ang naging sanhi sa kamatayan ni Dulalas.

Naganap ang insidente dakong alas-7 kamakalawa ng gabi nang pasukin ng tatlong suspect dalawa rito ay armado ng cal. 45 pistol at isa naman ay armado ng Uzi submachine gun matapos na disarmahan ang sekyu sa establisimento na si Pedro Alacaraz. Isa-isang nilapitan ng mga suspect ang mga kostumer at saka kinulimbat ang pera at cellphone at mamahaling gamit ng mga ito.

Ayaw umanong ibigay ni Dulalas ang kanyang 3310 cellular phone dahilan upang mainis dito ang isa sa mga suspect at barilin ang biktima.

Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, tumakas ang mga suspek papunta sa direksiyon ng Parañaque. (Angie dela Cruz)

Show comments