Dinisarmahan na ng kanyang opisyal ang suspect na si PO2 Marciano Anacta, nakatalaga sa Initial Security Checkpoint sa Depar ture Level sa Terminal 1 matapos na ireklamo ng mag-asawang Arman at Irene Sevilla na papuntang Seoul, Korea, sakay ng Korean Air flight KE-622. Inireklamo rin ng mag-asawa ang kasama ni Anacta na si Crispin Sumaong ng nasabi ring area.
Iniutos na ni MIAA Gen. Manager Alfonso Cusi na kumpiskahin ang airport "access pass" nina Anacta at Sumaong at pinagbawalan nang pumasok sa lahat ng lugar sa paliparan dahil na rin sa reklamo.
Ayon kay Arman Sevilla, dakong alas-10 ng umaga nitong Lunes nang lumapit sa kanila si Sumaong. Kinompronta umano siya nito hinggil sa laman ng kanilang dalang cooler na may lamang isdang frozen.
Sinabi pang humihingi ng "bribe money" si Sumaong upang hindi na dumaan pa sa quarantine checking ang naturang bagahe.
Dahil sa hinalang pangingikil lamang ng dalawang suspect ay agad na pumunta ang mag-asawa sa check-in area at sa Terminal Fee counter subalit sinundan pa sila ni Anacta at pinipilit na sila na lamang ang bahalang magbigay ng halaga.
Agad na humingi ng tulong ang mga biktima kay Cpl. Susan Viray ng Airport police department hanggang sa pormal na sampahan ng reklamo ang mga suspect.