Nakilala ang suspek na si Geraldine Torejos na kinasuhan na ng pulisya ng kasong child abuse.
Sa pulisya, inamin ni Torejos na siya ang may kagagawan sa labis na paghihirap na dinanas ng anak na si Kristel dahil sa sobrang kalikutan nito.
Ang bata ay kasalukuyang ginagamot sa San Juan De Dios Hospital.
Ayon kay Insp. Mila Carrasco, hepe ng Women and Children’s Concerned Desk ng Pasay police, ipinagbigay-alam sa kanila ng guwardiya ng naturang pagamutan ang insidente ng pambubugbog sa bata dakong ala-1:35 ng madaling-araw kahapon.
Mismong ang suspek ang nagsugod sa kanyang anak sa pagamutan nang mawalan ito ng malay bunga ng pambubugbog niya rito.
Napag-alaman sa pagsisiyasat na palaging nakakatikim ng palo ang bata sa kanyang ina sa tuwing sasawayin sa ginagawang paglilikot sa loob ng kanilang tirahan sa 549 Park Avenue Mansion, Park Avenue, Pasay City.
Ayon kay Insp. Carrasco, anak sa pagkadalaga ng suspek ang bata at siya lamang ang bumubuhay dito sa pamamagitan ng pagtatrabaho kaya’t posible umano na uminit ang ulo ng ginang nang hindi masaway sa kalikutan ang anak. (Angie dela Cruz)