Isang residente ng JKK Pacific Power sa Malate, Manila na si Ma. Lalaine Buenaventura, 23, ang nagreklamo na kinikilan umano siya noong Abril 2 ng P150,000 ng hepe ng investigation division ng MPD na si Senior Inspector Edgar Reyes.
Kapalit umano ng naturang halaga ang paglaya ng nobyo ni Buenaventura na si Cho Ka at tatlong kasama nitong dayuhan.
Nakulong ang mga dayuhan dahil sa isang scooter na nasagi ni Cho Ka habang naglalakad makaraang lumabas sa isang KTV bar sa Malate.
Ayon kay Buenaventura, kahit kasama niya ang ama niyang retiradong pulis na si dating SPO4 Leopoldo Buenaventura ay sinabihan umano siya ni Reyes na maaayos ang kaso ni Cho Ka kung maghahanda sila ng P200,000.
Binastos din umano ang kanyang ama dahil ayaw maniwala ni Reyes na dati itong pulis sa Maynila.
Ang nabanggit namang halaga ay para umano sa pagpapaayos ng nasirang scooter at hindi ma-deport ang dayuhan. Tumawad pa si Buenaventura pero isinagot ni Reyes na magbibigay pa ito ng parte sa media, SWAT at Mobile ng MPD.
Kaugnay nito, inutos ni MPD-District Intelligence and Investigation Division Chief S/Supt. Edgar Danao ang pagsisiyasat sa reklamo ni Buenaventura laban kay Reyes. (Ludy Bermudo)