Kinilala ni C/Insp. Juan Reyes, Caloocan City Fire Marshal, ang biktima na si Leonila Rebeato, 30, ng Samson Road corner Masagana Street, Barangay 73 ng nabanggit na lungsod.
Nasa ligtas na itong kalagayan at kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan dahil sa patuloy na trauma at emotional breakdown. Pinayuhan naman ito ng mga manggagamot na kumalma upang hindi maapektuhan ang sanggol na dinadala nito sa sinapupunan.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa bahay ng biktima sa naturang lugar. Unang nakatanggap ng tawag buhat sa isang kapitbahay ni Rebeato ang BFP at iniulat ang pag-akyat ng ginang sa bubungan ng kanyang bahay habang nag-iiyak.
Pinababa na ng kanyang mga kapitbahay si Rebeato ngunit hindi ito nakikinig at nagbabala na tatalon kaya nagpasya nang humingi ng saklolo sa mga awtoridad ang mga kapitbahay.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng BFP at inabutan ang ginang na sumisigaw at umiiyak habang tangkang tatalon mula sa ikalawang palapag ng bahay.
Mabilis namang nagdesisyon si Reyes at ang mga tauhan nito na agad na umakyat sa bubong ng bahay na nagresulta sa pagkakaligtas sa buntis na ginang sa tiyak na kapahamakan.
Nabatid sa imbestigasyon na nagtangkang magpakamatay ng ginang matapos na iwanan ito ng kanyang mister upang maki sama umano sa ibang babae sa kabila ng pagiging buntis nito. (Danilo Garcia)