P5-M bayad sa killer ni Rabaya

Halagang P5 milyon umano ang ibinayad sa mga hired killer na pumaslang sa kandidatong kongresista ng lalawigan ng Quezon na si Vicente Rabaya Jr. na ang bangkay ay natagpuan sa loob ng kotse nito sa isang subdivision sa Quezon City kamakalawa.

Nabatid sa ama ni Rabaya na si Butch Sr. na maaaring hired killer ang mga pumaslang sa kanyang anak dahil noong isang linggo ay binanggit umano ng isang nagmamalasakit na mamamayan sa isa sa mga bodyguard ng biktima na lilikidahin ito sa halagang P5 milyon.

Sinasabing kinakapanayam na rin ng pulisya ang mga bodyguard ni Rabaya at tumutulong ang Quezon Police sa paglutas sa kaso.

Kinondena ni Pangulong Arroyo ang pagpaslang kay Rabaya.

Inatasan niya ang magkasanib na puwersa ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation na hulihin ang kriminal at mabilis na lutasin ang usapin.

Inatasan din ng Pangulo ang PNP na palakasin pa ang police visibility at dagdagan ang deployment ng mga checkpoints para masamsam ang mga loose firearms at maiwasan ang posible pang mga pagdanak ng dugo ngayong nalalapit na halalan.

Si Rabaya, 43, ay natagpuang patay sa loob ng isang Toyota Fortuner (ZDW 656) na nakaparada sa may Katipunan Ave., Quezon City nitong Sabado ng madaling araw. May dalawang tama ito ng bala ng baril sa ulo at tiyan. (Tony Sandoval At Joy Cantos)

Show comments