Sinabi ni QCPD Deputy Director for Operations, Sr. Supt. Elmo San Diego na inilunsad na ang paghahanap kay PO1 Obet Añonuevo matapos na mabigo itong sumuko nang magtapos ang ibinigay nilang deadline kahapon ng alas-7 ng umaga.
Nabatid na nagpadala ng "surrender feeler" si Añonuevo sa pamamagitan ng kanyang kaibigan na nais nitong sumuko ilang oras matapos ang pamamaril sa dalawang traffic enforcer na sina Jamer Pe Jr., ng Bago Bantay, Quezon City at Genesis Repore, ng Malibay, Pasay City.
Ipinahiwatig ni San Diego na posibleng may pagkakasala si Añonuevo dahil sa ginagawa nitong pagtatago ngunit nanawagan ito na hindi pa huli ang lahat para sa kanyang pagsuko.
Matatandaan na nagpapatrulya sa San Miguel Avenue sa Ortigas Center ang dalawang traffic enforcer dakong alas-12 ng tanghali sakay ng kanilang motorsiklo nang mamataan ang isang pulang Honda Civic (WNH-170) na iligal na nakaparada.
Sinita ng dalawa ang mga sakay ng kotse dahil sa paglabag sa batas-trapiko na nagresulta ng mainitang pagtatalo hanggang sa pagbabarilin ang mga biktima ng isang 9mm. pistol ng sakay ng Honda Civic.
Agad namang na-trace ang naturang kotse na pag-aari ng asawa ni Añonuevo. (Danilo Garcia)