P10M halaga ng cellphone at mga gamot nasabat

Umaabot sa P10 milyong halaga ng mga cellular phone at mga gamot ang nakumpiska ng mga tauhan ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa magkasunod na operasyon sa Parañaque.

Ayon kay Chief Supt. Edgardo Doromal, hepe ng CIDG, unang na sabat ng mga tauhan ng anti-smuggling task group ng nasabing unit ang anim na kahon ng cellphone na nagkakahalaga ng P7 milyon nang maharang nila ang dalawang vans sa kahabaan ng Ninoy Aquino Avenue sa Sucat, Parañaque na idedeliver sana sa isang Larry Gomez na nakatira sa San Dionisio, Malate, Manila na siyang tumatayong consignee.

Sa ulat ni Supt Francisco Esguerra, team leader ng anti-smuggling task force na kinuha ang nasabing kontrabando sa Joint Express International Forwarders sa Ninoy Aquino Avenue subalit ng kanila itong siyasatin ay walang maipakitang dokumento ang drayber ng van kaya nila ito kinumpiska.

Samantala ipinatawag naman ng CIDG ang mga may-ari ng van na nakilalang sina Roger Tan at Clifford Uy upang magpaliwanag subalit hindi naman ito sumipot sa nasabing tanggapan.

Kamakalawa naman ng umaga ay nasabat din ng grupo sa isinagawang follow-up operation ang dalawang kahon ng gamot na kinabibilangan ng cytotec, gamot sa ulcer na ginagamit din sa pampalaglag at naaresto ang isang Pakistani national na nakilalang si Muhammad Razzaq nang wala itong maipakitang dokumento.

Kinasuhan si Razzaq ng violation of custom laws at ng Bureau of Food and Drugs regulations. (Edwin Balasa)

Show comments