Si Quiray ang lider ng Quiray Gang na sangkot sa serye ng bentahan ng shabu, panghoholdap at insidente ng pagpatay sa nasabing lungsod.
Ayon kay Yanquiling, matagal na nilang pinaghahanap si Quiray matapos na mabaril at mapatay nito ang isang babae noong 2004 sa Plaza Moriones. Nabatid na may nauna na ring napatay si Quiray noong 2000 subalit agad ding nakapagpiyansa.
Ipinaliwanag ni Yanquiling na modus operandi ng grupo ni Quiray ang panghoholdap sa ilang establisimyento sa Maynila sa pamamagitan ng riding in tandem. Itinuturo din itong sangkot sa bentahan ng shabu sa Tondo at ilang pang lugar sa Maynila.
Kaugnay nito, sinabi ni Yanquiling na maaaring kasuhan ng harbouring of criminal si SJO4 Eleuterio Pabalan matapos na dumating ito sa bahay ni Quiray at magpakilalang kamag-anak nito.
Iginiit ni Yanquiling na bilang isang tauhan ng BJMP dapat na isinuko ni Pabalan si Quiray lalo pa nga’t pinaghahanap ito ng batas. Naniniwala naman si Yanquiling na sa pagkakadakip kay Quiray, na-neutralize na nila ang isang grupo na responsable sa mga krimen sa lungsod. (Doris M. Franche)