Pasahero na may ‘bomb joke’ aarestuhin

Muling iginiit kahapon ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa ika-25 anibersaryo nito na mahaharap sa pag-aresto at kaso ang sinumang pasahero na magbibiro na may dalang bomba habang sumasailalim sa beripikasyon at checking sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay MIAA General Manager Alfonso G. Cusi, ipinakalat na sa mga sensitibong lugar sa paliparan ang babala sa mga pasahero na huwag magbibiro na may dalang bomba na ikinakaantala ng biyahe ng eroplano at ibang mga pasahero.

Sinabi ni Cusi na inatasan na niya si ret. Gen. Angel Atutubo, MIAA-Asst. General Manager for Emergency and Security Services na ipatupad ang kanyang kautusan na nakalagay sa mga papel at nakapaskil sa mga piling lugar na nagsasaad sa Tagalog na "Sa mga mahilig magbiro, mag-ingat kayo. Maaaring makulong ang sinuman na magbibiro tungkol sa ‘bomba’."

Sinabi naman ni Atutubo na dapat umanong mabigyan ng leksiyon ang isang pasaherong gumagawa ng mga ‘bomb joke’ dahil sa pagkakabalam ng operasyon sa paliparan sanhi ng takot na maidudulot nito sa mga pasahero.

Apatnapung libong piso (P40,000) ang multa at pagkakulong ng may 5 taon ang maaaring parusa sa mga ito.

Magugunita na isang French national at pinakahuli ay isang doktora na si Ellen Manalo Malapaya ang pinigil sa NAIA at hindi na pinaalis matapos na magbiro na may dala-dalang bomba nang mairita ito sa isinagawang mahigpit na magsusuri ng mga bagahe ng mga ito.

Samantala, panibagong kaso ang kakaharapin ng naturang French national makaraang magwala, manakit at manugod ng lady reporter sa NAIA kahapon.

Inireklamo nina Itchie Cabayan, reporter ng People’s Tonight at airport security guard na si Arturo Pagulayan Jr. ang French national na si Michel Brionne, 66, sa Airport Police Dept. matapos na umano’y manugod at manakit sa tanggapan ng NAIA Press Corps na nakabase sa loob ng naturang paliparan. (Ellen Fernando)

Show comments