Nakilala ang mga nasawing kidnaper na sina Bryan Diario, alyas Dodong, ang sinasabing lider ng grupong Diario Gang; Rinos Joselito Capino, alyas Tolits at isang alyas Romy.
Pinaghahanap pa ang apat na kasamahan ng mga ito sa negosyanteng si Eric Tan, 29, may-ari ng Plascom Factory na nasa Fortune Village 4, Valenzuela City at residente ng Biglang Awa, Caloocan City.
Ayon sa ulat nina PO2 Arnel de Guzman at PO2 Restie Mables, mga may hawak ng kaso dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang sagupaan sa pagitan ng mga kidnaper at tropa ng NPD Intelligence and Investigation Division (DIID) sa may Lot 5 Phase 4-B, Brgy. 176 Bagong Silang, Caloocan City.
Bago ang engkuwentro, napag-alaman na dinukot ng mga suspect si Tan sa panulukan ng Biglang Awa St., Caloocan City habang papauwi kasama ang inang si Conchita kamakalawa ng umaga.
Sinasabing bigla na lamang hinarang mga suspect na noon ay lulan ng berdeng Mitsubishi Lancer at saka sapilitang dinala.
Matapos ang insidente ay nagreport sa pulisya ang kaanak ng biktima.
Napag-alaman pa na sa unang pakikipag-usap ng mga suspect sa pamilya ng biktima, humihingi ang mga ito ng P10 milyong ransom.
Habang nagsasagawa ng negosasyon, natunton ng mga awtoridad ang hideout ng mga suspect sa Bagong Silang, Caloocan na dito na nagkaroon nang pagpapalitan ng putok na ikinamatay ng tatlo sa mga suspect.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang dalawang hand grenade, dalawang chamber ng kalibre 45 baril; isang paltik na kalibre 30 rev.; gayundin ang isang Honda XRM na pag-aari ni Capino na siyang ginagamit sa kanilang operasyon.
Dahil dito, ligtas namang nabawi ang biktimang si Tan sa kamay ng kanyang mga abductors. (Ricky Tulipat)