‘Akyat-bahay’ patay sa barilan

Isang miyembro ng kilabot na Akyat-Bahay Gang ang iniulat na nasawi matapos na makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa Lungsod Quezon, kamakalawa.

Dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng insidente si Felipe Galiz, 23, binata, ng Brgy. San Roque, Quezon City.

Nasamsam kay Galiz, ang isang kalibre .38 baril na ginamit nito sa pakikipagbarilan sa mga pulis habang nakatakas naman ang isang kasamahan nito.

Naitala ang insidente dakong na alas-11:50 ng gabi habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng pulisya ng Police Community Precinct 2 sa may Barangay. Bungad.

Pagsapit ng mga awtoridad sa panulukan ng Baler at San Juan St. ay namataan si Galiz at isa pang lalaki na aali-aligid sa isang bahay.

Dahil sa kahina-hinalang kilos ng dalawa ay nagpasyang lapitan at sitahin ng mga pulis, subalit hindi pa nakakalapit ay bigla na lamang pinaputukan ang mga ito kaya napilitang gumanti ang mga awtoridad hanggang sa bumulagta si Galiz.

Show comments