Base sa testimonya ng mga saksi, itinuturo nila ang isang Bong Soriano na siyang may pakana umano sa pagpapapatay sa biktimang si Chairman Lamberto Asayo, ng Brgy. 28 Zone 2 District 1. Pinagbabaril ng isang gunman si Asayo noong nakaraang Enero 30 sa tapat ng kanyang tindahan sa panulukan ng CM Recto Avenue at Roman Sts. sa Binondo.
Sinabi ng mga saksi na nakita nila si Soriano na kasama ang dalawang pulis na nakilala sa pangalang Ken Mamerto at Marvin Velasquez, kapwa nakatalaga sa Manila Police District-Station 11 (Meisic) kasama pa ang hindi nakilalang gunman bago at matapos ang pamamaril kay Asayo.
Nagpalabas naman si Manila Mayor Lito Atienza ng memorandum kay MPD-Station 11 commander Supt. Bernardo Diaz na nagbabanta na sisikbakin ito sa puwesto kapag hindi naresolba ang kaso sa loob ng 72 oras o tatlong araw.
Tumanggi naman si Diaz na magbigay ng pahayag ngunit sinabi ng deputy commander nito na si Supt. Jimmy Chiu na nagbuo na sila ng grupo na tututok sa imbestigasyon at sa pagdakip kay Soriano maging ang mga itinuturong pulis nila at sa gunman.
Nahihirapan lamang umano silang arestuhin si Soriano dahil sa magiging madulas nito sa kanila habang hindi naman matukoy kung sino nga ang mga pulis na itinuturo.
Kinumpirma naman ni NBI Director Nestor Mantaring kahapon na dati nilang "confidential agent" si Soriano noong panahon ni Director Reynaldo Wycoco ngunit wala na sa ahensiya buhat nang buwagin nila ang mga CA.d
Nabatid buhat sa mga saksi na ipinagmamalaki umano ni Soriano na hindi siya nadadakip ng mga pulis dahil sa malakas ang koneksiyon niya sa Station 11, Manila Traffic Bureau at maging sa NBI dahil sa pagbibigay ng payola buhat sa operasyon sa illegal vendor at mga parking ¹_fee. (Danilo Garcia)