Ang suspect ay kinilalang si Ronillo Dizon, 27, binata, helper at residente ng 12 Bagbag, Quezon City.
Ayon kay SPO2 Cecilia de Jesus ng Caloocan Police Sub-Station 2, may hawak ng kaso, nadakip ang suspect habang aktong nag-aabang ng kanyang mga biktima sa kahabaan ng 10th Avenue suot ang uniporme ng may-aring si SPO1 Nestor Mercado sa Police Community Precinct 2 na matatagpuan sa Judicial Hall, 10th Avenue.
Sinabi ni de Jesus na nalaman ang kalokohan ni Dizon nang dumating si SPO1 Mercado sa nasabing presinto at nagulat na lamang nang makitang nawawala ang kanyang uniporme sa locker nito bandang alas-2 ng madaling-araw.
Nabigla pa si Mercado nang makitang bukas ang kanyang locker at wala ang pera na nagkakahalaga ng P5,000 kasama ang kanyang uniporme.
Inalarma ni Mercado ang mga kasamahan sa pagkakanakaw ng kanyang mga gamit hanggang sa napag-alaman sa kanilang ginawang imbestigasyon na huling pumasok sa kanilang kuwarto ang suspect.
Agad na hinanap ni Mercado ang suspect kasama si PO3 James Dula sa kahabaan ng 10th Avenue at dito naaktuhang nakatayo na suot ang nawawalang uniporme ng una habang pinapara ang mga jeep at kinokotongan ang mga driver na nagdaraan.
Nabatid na ang suspect ay dating striker ng mga pulis sa nasabing presinto kaya malaya itong nakakalabas-pasok sa nasabing himpilan ng pulisya.
Nakatakdang sampahan ng kasong usurpation of authority at theft ang suspect na halos isang maamong tupa sa loob ng piitan.