Kinilala ang suspect na si Ricky Butaslac, 32, tatlong taon na nabibilang sa most wanted sa lungsod ng Marikina City, ito ay naaresto sa Quezon City General Hospital makaraang makipagpalitan ng putok sa mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD), kamakalawa ng gabi sa Muñoz Market sa Quezon City. Ito’y matapos mangholdap ang suspect sa isang Tamaraw FX.
Ayon kay Supt. Sotero Ramos, hepe ng Marikina police, nag-iba pa ng pangalan si Butaslac at ginamit ang pangalang Reynaldo Prane upang maitago ang mga naunang nagawang krimen.
Si Butaslac ay may 12 warrant of arrest sa Marikina Regional Trial Court (RTC) at sinintensyahan kamakailan ni Judge Alice Guiterrez ng Marikina RTC Branch 193 sa kasong highway robbery.
Bukod dito ay patong-patong na kaso pa ng FX taxi robberies sa Marcos Hi-way ang kinasasangkutan nito,
" Talagang madulas si Butaslac, tatlong taon na itong subject ng manhunt ng Marikina police pero tuwing gumagawa ng illegal na gawain lagi itong nakakalusot", pahayag ni Ramos sa isang panayam.
Ayon pa sa ulat na lumipat sa Quezon City ang iligal na gawain ang grupo ni Butaslac matapos na uminit ang kampanya ng Marikina police laban sa kanya. (Edwin Balasa)