Ang mga sinampahan ni Felicidad Dela Cruz ng Robbery with Force Upon Things in Inhabited House tungkol sa pagkawala ng P50,000 at pagsira ng kanyang mga kagamitan ay sina Brgy. Capt. Manny Tolentino, mga BSDO na sina Ricardo Valladores, Narlito Davalos, Jeffrey Manulid, Chito Baguno, Roel Sagunod at John Casildo at ilan pang kalalakihan.
Nag-ugat ang pagsasampa niya ng kaso matapos na gibain ng grupo ni Tolentino ang kanilang mga ginawang nipa-kubo sa kanyang puwestong binabayaran sa huli na matatagpuan sa Villa Subdivision sa Regalado Ave. Quezon City.
Sinabi nito na Setyembre 2005 nang magsimula siyang magbayad ng halagang P5,000 upa kay Tolentino hanggang sa itaas niya ito sa halagang P6,000 noong Enero 2006. Kasama ni dela Cruz sa pagbabayad sa tanggapan ni Tolentino ang kanyang pamangkin na si Remedios Aquino. Subalit Mayo 2006 nang sabihan siya ni Tolentino na P20,000 na ang dapat niyang bayaran. Umangal siya sa pagsasabing hindi niya kayang bayaran ang napakalaking halaga bilang upa sa bakanteng lote. Gayunman, tinangka niyang ibayad ang P6,000 ngunit hindi tinanggap ni Tolentino at sa halip ay sinabihan siya nito na dapat siyang umalis sa loob ng limang araw.
Dahil dito, sinabi ni dela Cruz kay Tolentino na gusto niyang makausap ang may-ari ng lupa at dito na rin siya magbabayad. Subalit nagulat siya nang dumating noong Enero 9, 2007 dakong alas-10:30 ng umaga si Tolentino kasama ang may 20 BSDO at walang sabi-sabing giniba ang 14 na papag-kubo.
Muling bumalik si Tolentino noong Enero 26, 2007 at muling giniba ang bahay-kubo mismo ni dela Cruz at naghalughog na nagresulta sa pagkawala ng kanyang pera na nagkakahalaga ng P50,000. Wala din umanong court order ang ginawang paggiba sa mga bahay-kubo ng ginagawa ni dela Cruz. (Doris Franche)