Bukod sa kasong sedition, posibleng masampahan pa ng kasong usurpation of authority si Trinidad bunga ng patuloy na paggigiit niya na siya pa rin ang alkalde ng lungsod sa kabila ng ginawang pagbasura ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa kahilingan na gabayan siya sa pagbabalik niya sa puwesto.
Ayon kay Mayor Allan Panaligan, hindi sana nagkaroon ng kaguluhan kung naging bukas lamang ang isipan ng dating alkalde at mga kasamahang opisyal hinggil sa kautusang ibinaba ng tanggapan ng Ombudsman kaugnay sa kanilang dismissal.
Sinabi ni Panaligan na kung may lalabas na kautusan ang Court of Appeals o Supreme Court na nagsasaad na dapat na muling maupo bilang alkalde si Trinidad, kaagad niyang iuutos ang pagsasalin ng kapangyarihan kahit na permanente na siyang itinalaga rito ng DILG.
Nilinaw ng alkalde na sa umiiral na rules of succession ng Local Government Code, siya ang legal na kapalit ng alkalde bilang numero unong konsehal ng lungsod matapos na masuspindi at tuluyang masibak ang mga nasabing opisyal.
Idinugtong pa niya na handa naman siyang makipag-usap kung ito ang hiling ng dating alkalde subalit hindi na dapat aniyang yakagin pa ni Trinidad ang kanyang mga supporters na naging sanhi ng kaguluhan.
Kaugnay nitoy nagbanta rin si Trinidad na sasampahan nila ng kasong kriminal at administratibo ang ilang mga opisyal ng pulisya na nag-utos na bombahin sila ng tubig at pagpapaluin ang kanyang mga supporters.
Kabilang sa mga kakasuhan ni Trinidad sina Senior Supt. Jaime Calungsod, Deputy Director for Operation ng Southern Police District Office (SPDO) at Senior Supt. Carlos De Sagun, deputy chief ng Pasay police na tumatayo bilang mga ground commander nang mangyari ang karahasan.
Pinag-aaralan naman ng suspended na alkalde kung isasama sa kanilang mga kakasuhan si Mayor Panaligan dahil nasa ilalim ng pangangalaga at kontrol ng alkalde ang kapulisan sa lungsod na nagsagawa ng marahas na pamamalo sa kanyang mga supporters.
Ibabatay naman ni Trinidad ang kanyang isasampang kaso sa mga ipinakita sa kanyang video footage na nanggaling pa aniya sa mga kinatawan ng US Embassy na nakasaksi sa pangyayari. (Lordeth Bonilla)