Naggitgitan ng sasakyan, driver dedo sa kapwa tsuper

Dahil sa gitgitan sa kalsada makaraang mag-agawan sa pasahero, pinagsasaksak ng isang jeepney driver ang kapwa tsuper na agad na nasawi, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Edgar Cuyson, 28, ng Llana St., Tondo. Nagtamo ito ng saksak sa dibdib na nagsanhi sa agaran niyang kamatayan.

Nagawa namang makatakas ng suspect matapos ang isinagawang krimen, ngunit nakilala ito sa naiwang drivers’ license na si Vencito Malate, 31, ng Mabini St., Caloocan City.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa kahabaan ng Juan Luna St., Tondo. Nabatid na naunang naggitgitan ang dalawang driver dahil sa pag-aagawan sa pasahero nang mapansin ng traffic aide na si Felix Tanoja.

Hinuli nito si Malate at hiningi ang lisensiya nito.

Dahil sa inis, kinompronta ng suspect si Cuyson na siyang sinisi kung bakit siya nahuli.

Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa saksakin ng suspect si Cuyson at saka mabilis na tumakas. (Danilo Garcia)

Show comments