Ang biktima ay nakilalang si Fe Decuyanan, 3rd year BS Computer Science ng nasabing unibersidad. Ito ay natagpuang hubot-hubad at wala ng buhay at may apat na saksak sa katawan sa loob ng tinutuluyang apartment sa 4215 St. Paul St. SPS Subdivision Brgy. Rosario ng lungsod na ito.
Sa ginawang imbestigasyon ni PO3 Enrique Jimenez, may hawak ng kaso, dakong alas 7:25 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktima matapos na umuwi ang ate nitong si Grace na siyang kasama nito sa bahay galing opisina.
Sa salaysay nito sa Pasig police, nagtaka siya sa pagpasok niya sa kanilang apartment ay magulo ang nasabing bahay at laking gulat niya nang pagdating nito sa comfort room ay bumulaga sa kanya ang bangkay ng kapatid na naliligo sa sariling dugo.
Agad na humingi ng tulong si Grace sa kanilang landlord na siyang nagbigay alam sa pulisya ng pangyayari.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na bukod sa pagpatay at umanoy paggahasa sa biktima ay ninakawan din ito ng mula dalawa hanggang tatlong suspect.
Posible ring kilala ng biktima ang mga suspect dahil hindi naman dinistrungka ang pinto ng studio type apartment na tinutuluyan nito.
Isa sa pinaniniwalaang mga suspect sa naturang pagpatay ay ang tatlong kalalakihan na nakatira sa ibaba ng tinutuluyang apartment ng magkapatid dahil ayon sa isang hindi nagpakilalang saksi na tuwing dumadaan sa hagdan ang biktima at ate nito ay lagi umanong binobosohan ng mga lalaki.
Napag-alaman din na wala na sa kanilang inuupahang apartment ang mga ito ng matuklasan ang krimen at limang araw lang umupa sa kanilang tinitirahan.
Kasalukuyang nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para sa agarang paglutas ng kaso. (Edwin Balasa)