Nakilala ang nasawing pulis na si PO2 Alinorden Sarip Lanto, 37, nakadestino sa First Police Center for Aviation Security Group sa Manila International Airport at residente ng Lot 6 Rosal Street, Katipunan Upper Bicutan, Taguig City.
Patuloy na kinikilala naman ngayon ng pulisya ang dalawang suspect na hinihinalang mga Muslim dahil sa naringgan ang mga ito na nagsasalita ng dayalektong Maranaw.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang krimen dakong alas-10 ng gabi sa tapat ng Barter Market sa Arlegue St., Quiapo, Maynila.
Base sa imbestigasyon, nakaupo ang biktima sa isang bangko sa tapat ng palengke na mistulang may hinihintay nang lapitan ng isang Brian Orosco at sabihan na lumipat ng lugar dahil sa marami nang pulis ang napatay sa kinauupuan nito.
Ipinagwalang-bahala naman ni Lanto ang payo sa kanya ni Orosco at sinabihan ito na siya ang bahala sa buhay niya at wala namang gagalaw sa kanya. Binigyan pa nito ng pagkain at P8 si Orosco.
Makalipas ang ilang minuto, dumating ang dalawang suspecrt at agad na minura si Lanto. Nag-usap naman ang mga ito ng salitang Maranaw hanggang sa magtangkang umalis si Lanto.
Pinigilan ang biktima ng isa sa mga suspect na humawak sa katawan niya, habang dalawang beses itong binaril ng isa pang suspect. Agad na nasawi ang biktima dahil sa tama ng bala ng kalibre. 45 sa kanyang sentido at sa katawan.
Mabilis namang tumakas ang dalawang suspect bitbit ang hindi mabatid na pera at baril ng biktima na kinuha sa dala nitong bag.
Sinabi ni MPD Homicide chief, Chief Inspector Alejandro Yanquiling Jr. na isang masusing imbestigasyon ngayon ang kanilang isinasagawa kung saan nakatutok sila sa sindikato ng droga sa Islamic Center na sinasabing protektado ng ilang tiwaling opisyal ng pulisya.
Umabot umano sa 70 porsiyento na suplay ng ilegal na droga ang nanggagaling sa Islamic Center sa Quiapo kung saan ito ay pinamumunuan ng isang alyas Amir at isang Kumander Mike.
Nakatanggap din ng impormasyon si Yanquiling na ineeskortan pa umano ng sasakyan ng pulisya ang delivery ng droga papasok at palabas ng Maynila. (Danilo Garcia)