Call center agent, ninakawan ng bestfriend

Isang 28-anyos na lalaki ang inaresto makaraang ireklamo ng kanyang kaibigan na kanyang pinagnakawan ng mga gamit na nagkakahalaga ng P100,000 kahapon ng umaga sa Quezon City.

Nakapiit ngayon sa Quezon City Police District-Kamuning Police Station ang suspect na si Rico Mansalapus, ng no.1716 B. Merced St. Paco, Manila matapos na ireklamo ng biktimang si Joseph Edward Lim, 28, ng no. 53 F. Manalo St. Cubao, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jefferson Tuyo, nadiskubre ni Lim ang pagnanakaw dakong alas-9 ng umaga kahapon sa kanyang inuupahang bahay,

Lumilitaw sa testimonya ni Lim na pumayag siyang matulog sa kanyang bahay si Mansalapus subalit hindi umano niya akalain na sasamantalahin nito ang pagkakataon.

Tinangay ng suspect ang kanyang Bulgari watch, P80,000; Chariol bracelet, P10,000; sapatos, P3,500; cellphone, P11,000; pabango, P2,000 at cash na P10,000.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang biktima at agad nitong tinungo ang suspect sa kanyang bahay kung saan isang pares na lamang ng sapatos ang nabawi mula sa suspect. (Doris Franche)

Show comments