Ayon sa biktimang si Era Grace Basco, 2nd year student sa Rizal Technological University at naninirahan sa Brgy. Malinao na dakong alas-9 ng gabi noong Enero 4 nang maganap ang insidente sa kahabaan ng F. Manalo St., Pasig City.
Nabatid na pauwi na sa kanilang bahay ang biktima nang banggain ng sasakyan na minamaneho ng isang umanoy lasing na may plakang SCU-219 .
Nabatid na unang inabot ng nasabing sasakyan ang likurang bahagi ng katawan ng biktima at nang matumba ito sa semento ay sinagasaan pa ang kaliwang bahagi ng paa.
Imbes na hintuan ay parang walang nangyari at nagtuluy-tuloy pa rin ang sakay ng van, isang tricycle driver ang nagmalasakit na sundan ito para makuha ang plaka ng sasakyan na isang red plate SCU-219. Ito rin ang nagdala sa biktima sa pagamutan.
Kinabukasan ay ipina-blotter ng mga kaanak ng biktima ang pangyayari, gayunman nang beripikahin nila sa LTO Pasig ang naturang naplakahan na sasakyan ay tumanggi ang mga ito na ibigay sa pagsasabing hindi sila makapagbibigay ng impormasyon dahil government plate ang sangkot.
Sa pagsasaliksik nabatid na ang naturang plaka ay nakarehistro sa Pila, Laguna at sinasabing naka-isyu sa University of the Philippines (UP) Los Baños.
Nais mabatid ng pulisya kung sino ang gumamit ng naturang sasakyan noong oras na masangkot ito sa insidente para sa kaukulang paghaharap ng kaso.
Nanawagan din ang pamilya ng biktima kay LTO chief Reynaldo Berroya na matulungan sila na mabatid kung sino ang nagmamaneho sa naturang government vehicle na nakasagasa sa biktima. (Edwin Balasa at Angie dela Cruz)