Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, iprinisinta ni PNP chief Director General Oscar Calderon ang nasakoteng RSIM bomber na si Ricardo Ayeras, alyas Abdul Kareem.
Ayon kay Calderon, si Ayeras ay nabitag ng mga elemento ng PNP Intelligence Group nitong nakalipas na linggo at ngayon lamang nila iniharap sa mediamen dahilan kailangan pa itong isailalim sa masusing interogasyon kaugnay ng pagkakadawit sa Valentines day bombing noong Pebrero 14, 2005 sa lungsod ng Makati matapos na sumabog ang bomba na itinanim sa isang pampasaherong bus sa EDS, malapit sa Ayala na kumitil sa buhay ng 3 katao habang 103 pa ang nasugatan.
Sinabi ng PNP chief na dinakip ang suspect sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Marissa Macaraig-Guillen ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 60 kaugnay ng kasong rebelyon sa madugong pambobomba at wala ring inirekomendang piyansa laban sa naturang bomber.
Nabatid na si Ayeras ay kabilang sa mga pioneer na miyembro ng RSIM na mahigpit na tinutugis ng mga awtoridad upang hindi na ito makapagsagawa pa ng pananabotahe tulad ng pambobomba sa Metro Manila at iba pang mga pangunahing lugar sa bansa.
Sinabi ni Calderon na walang kinalaman sa banta ng terorismo sa Asean Summit na gaganapin sa Cebu sa darating na Enero 10-15 ang pagkakahuli sa suspect.
Ayon naman kay PNP-Intelligence Group (PNP-IG) director Chief Supt. Ricardo de Leon, noong unang bahagi ng 2002 ay dumalo sa para-military training at RSIM training camp sa Anda, Pangasinan si Ayeras kung saan ay nakatakas ito sa raid ng mga awtoridad sa Anda training camp noong Mayo 1, 2002. (Joy Cantos)