Ex-Marine nangulit, sinaksak

Isang dating kagawad ng Philippine Marines ang agaw-buhay nang pagsasaksakin ito ng isang lalaking kanyang kinukulit, kamakalawa sa Pasay City.

Nilalapatan ng lunas sa Philippine General Hospital ang biktimang si Daniel Prieto, 40 ng 106 Almazor St., Maricaban bunga ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa isang patalim.

Tumakas naman ang suspect na si Joey Delos Santos, 23 at naninirahan sa 007 Higgins St., sa nabanggit na barangay.

Batay sa ulat, naganap ang insidente bandang alas 9:30 ng gabi sa Interior Almazor St., Brgy. 185 Zone 19, Maricaban.

Lumilitaw sa report, na lasing umano ang biktima nang mapag-tripang kulitin ang suspect na napag-alamang baguhan pa lamang na naninirahan sa naturang lugar.

Hindi umano batid ng suspect na sadyang makulit lamang kapag nalalasing ang dating sundalo at hindi na pinapatulan ng ilang mga kalalakihan sa naturang lugar ang kanyang ugali kapag nakakainom.

Hindi nakapagtimpi ang suspect at inundayan ng saksak ang biktima bago mabilis na tumakas. (Lordeth Bonilla)

Show comments