MPD todo-alerto ngayong Rizal Day

Todo alerto ngayon ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa pagdiriwang ng Rizal Day para hindi na maulit ang naganap na pambobomba noong taong 2000.

Ayon kay Acting MPD director Chief Supt. Danilo Abarsoza, nagpakalat na siya ng kanyang mga tauhan sa mga vital installation sa Maynila bilang paggunita sa ika-6 na taong anibersaryo ng malagim na trahedya.

Kabilang sa mahigpit na binabantayan ang mga matataong lugar sa Maynila tulad ng mga shopping mall, gayundin ang mga US Embassy at Pandacan oil depot na maaaring targetin ng mga terorista.

Bukod dito, mag-iikot din sa Maynila ang mga operatiba ng Explosives and Ordnance Division kasama ang kanilang mga bomb sniffing dog at mga tauhan ng SWAT.

Magugunita na sabay-sabay na binomba ng mga hinihinalang terorista ang Light Rail Transit sa Blumentritt Station noong Disyembre 30, 2000 kung saan nasawi ang mahigit sa 20 katao at marami pa ang nasugatan, isang bus sa Edsa at isa sa Makati. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments