Mula sa Criminal Investigation Unit (CIU) ng Makati City Police inilipat sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Camp Crame ang suspect na si Benjamin M. Selisana, may asawa, nakatira sa # 426 Leyva St., Mandaluyong City.
Ayon sa imbestigasyon ng Makati City Police CIU, naganap ang insidente dakong alas-2:10 ng hapon sa harapan ng Matrix Bar, kahabaan ng P. Burgos St., Barangay Poblacion ng lungsod na ito.
Namataan ng mga nagpapatrulyang mobile patrol car ng Makati City Police ang suspect, na nakasuot ng type-B police uniform at nanghuhuli ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Nagduda ang mga pulis na kasamahan nila itong pulis dahil hindi pamilyar sa kanila ang mukha, kung kayat agad nila itong sinita.
Nagpakita naman ang suspect ng mission order at ID mula sa CIDG, Camp Crame kaya lalung naghinala ang mga kagawad ng Makati City Police kung bakit sa CIDG pala ito naka-assign ay bakit nanghuhuli ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Kaagad binerepika sa CIDG Camp Crame kung ang suspect nga ay konektado sa naturang tanggapan. Ngunit napag-alaman na si Selisana pala ay hindi konektado sa kanila, kung kayat mabilis itong dinakip ng mga kagawad ng Makati City Police.
Nakumpiska sa naturang suspect ang isang kalibre .45 baril, mga bala at ibat ibang uri ng ID ng CIDG, Camp Crame.
Sa ngayon ay masusi pang iniimbestigahan ang nasabing kaso. (Lordeth Bonilla)