Sa ulat ng Quezon City Fire District, naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling-araw sa bahay nito sa P. Gonzales St., Brgy. Loyola Heights, Quezon City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, mahimbing na natutulog si Chin-Chin at ina nitong si Gng. Cecilia Gutierrez, kasama ang tatlo pang kasambahay nang makita ng isang kapitbahay na nagliliyab ang ikalawang palapag ng bahay.
Nagawa lamang makalabas ng bahay at makahingi ng tulong si Chin-Chin nang basagin nito ang salamin ng kanilang bahay at nagsimula nang humingi ng saklolo. Ngunit minabuti ng aktres na iligtas muna ang umanoy diabetic na ina kaya nagtamo ito ng mga minor burns at sugat dahil sa mga basag na salamin sa braso at iba pang bahagi ng katawan.
Halos wala namang natira sa buong bahay matapos na tumagal ng may isang oras ang sunog dahil na rin sa ang malaking bahagi ng bahay ay yari lamang sa kahoy.
Samantala, idineklara nang nasa ligtas na kalagayan ngayon ang mag-inang Gutierrez.
Bagamat hindi pa tapos ang imbestigasyon ay naniniwala naman ang pamunuan ng QC Fire District na posibleng faulty wirings ang pinagmulan ng sunog. (Doris Franche)