Kinilala ni Manila Police District Officer-in-Charge Sr. Supt. Danilo Aberzosa ang mga nadakip na sina PO3 Eduardo Cayabyab, 34, nakatalaga sa District Withholding Section ng MPD at mga kasabwat na sina Ronald Daparros, 25, ng #2648 Raymundo St., Sta. Ana, Manila at Larry dela Cruz, 22, ng #1980 Tramo St., Pasay City.
Nakilala naman ang mga biktimang sina Evan Turner, American national, ng #8353 Rosal St., Sto. Niño, Parañaque City; Renalyn Buenaventura, ng #243 Sitio Catmon, Malabon City at Lalaine Obando, #2612 Millennium Plaza, Makati City.
Sa ulat ng MPD-Station 5, nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mobile unit dakong alas-10:45 ng gabi nang mapadaan sa tapat ng Hyatt Hotel sa P. Gil St., Ermita. Dito nila napansin ang isang taxi (PUN-685) na nakaparada sa tapat ng isang convenience store sakay ang dalawang lalaki at dalawang babae. Nasa likod nito ang isang Toyota Revo na nakilala nila na sangkot sa isa nilang operasyon.
Magkasabay na umalis sa lugar ang taxi at Revo van na agad namang sinundan ng mga pulis. Nakahalata umano na sinusundan, pinasibad ng driver ang Revo ngunit mabilis namang sinundan ng mga pulis hanggang sa masakote sa may Apacible St., Ermita.
Dito nailigtas sina Buenaventura at Obando habang nadakip si Cayabyab. Nabatid din nila na sakay naman ng taxi ang kasamahan nilang Amerikana na si Turner kaya hinabol din ang naturang sasakyan. Nailigtas din naman ang dayuhan at naaresto sina Daparros at dela Cruz.
Ayon sa mga biktima, dinukot sila ng mga suspect sa pangunguna ni Cayabyab at hiningian ng malaking halaga para sa kanilang kalayaan. Hinipuan din umano sila ng mga ito sa maseselang bahagi ng katawan habang nasa loob ng sasakyan na posible umanong nauwi sa panggagahasa kung hindi nailigtas ng mga pulis.
Nahaharap ngayon sa mga kasong robbery extortion, kidnapping at acts of lasciviousness ang mga suspect na nakadetine ngayon sa MPD Integrated jail. (Danilo Garcia)