Sindikato ng droga sangkot sa mga pag salvage sa Maynila

Ibinulgar ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD) na isang malaking sindikato ng droga ang nasa likod ng walang tigil na insidente ng "summary execution" sa lungsod ng Maynila kung saan karaniwang natatagpuan na lamang na lumulutang sa Ilog Pasig o Manila Bay ang mga biktima.

Ito ang sinabi ni Homicide commander C/Insp. Alejandro Yanquiling matapos na matagpuan na naman kahapon ng umaga ang bangkay ng isang lalaki na lumutang sa Manila Bay at may tanda na pinahirapan muna bago pinaslang.

Inilarawan ang biktima na nasa pagitan ng edad 30-40 anyos, nasa 5’4’’— 5’5’’ taas, may tattoo ng babae sa kaliwang balikat at pangalan na "Lyn" sa kaliwang kamay at nakasuot ng asul na sando at pulang basketball shorts.

Nakitaan ang bangkay ng mga tama ng saksak sa katawan habang nakabusal ang bibig nito at nakatali ang kamay at paa. Isinilid din ang kalahati ng katawan nito sa isang itim na garbage bag.

Ayon kay Yanquiling, lumalabas ngayon sa kanilang summary report ukol sa pagkakatagpo ng mga lumulutang na bangkay sa Ilog Pasig at Manila Bay na karamihan dito ay kagagawan ng isang sindikato ng droga na nag-ooperate sa Maynila.

Nakasaad sa ulat na posible umano na mga kasamahan din o tauhan ang mga pinapaslang dahil sa onsehan o kaya naman ay pagtataksil sa sindikato. Bukod dito, inaalam din ng mga imbestigador ang posibilidad na ilang tiwaling miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang sangkot din sa sindikato at nagbibigay ng proteksiyon sa iligal na operasyon nito. (Danilo Garcia)

Show comments