Kahapon, personal na ininspeksiyon ni Mayor Lito Atienza Jr. ang Plaza Miranda upang matiyak na wala nang magtitinda ng mga herbal medicines na sangkot sa pagbebenta ng mga abortion pills.
Subalit nadiskubre ng Alkalde na mayroon pang mga vendor na nagtitinda ng mga herbal medicine sa paligid ng simbahan kayat galit nitong iniutos sa pulisya ang pagbabantay at paglilinis sa naturang lugar upang hindi na makabalik pa ang mga vendor dito. Nabatid na nais ni Atienza na isulong ang Pro-Life Philippines sa lungsod dahil sa isa itong pro-life advocate.
Sa isinagawang operasyon, mahigit sa 100 tindera ng herbal medicine ang naapektuhan at nawalan ng kabuhayan dahil sa kampanya at kautusan ng Alkalde.
Ayon na rin sa mga vendor, hindi dapat idinamay ni Atienza ang lahat ng nagtitinda ng herbal medicine dahil hindi lahat ay nagbebenta ng gamot pampalaglag kundi mga orihinal na herbal medicine na karaniwang panlunas sa ibat ibang sakit. (Gemma Amargo-Garcia)