Personal na dumulog kamakalawa sa tanggapan ng Caloocan Women and Children Desk Section ang biktima na itinago sa pangalang Betsy upang maghain ng kasong rape laban sa kanyang bayaw na si Rommel Lirasan, witness sa pagpatay sa reporter ng pahayagang Saksi na si Alberto Orsolino noong Mayo 16, 2006.
Si Lirasan ay nasa pangangalaga ng Caloocan City Police matapos na mailagay ito sa Witness Protection Program ng Department of Justice at malayang nakakagala sa naturang istasyon ng pulisya.
Ayon sa biktima, naganap ang insidente noong Nobyembre 19, 2006 dakong alas-12 ng hatinggabi. Aniya, nagtungo siya sa Caloocan Police Station upang dalawin si Lirasan kasama ang anak ng huli ng nasabing araw.
Nagtanong umano siya sa suspect kung sang lugar maaari siyang magbihis kaya itinuro naman ng suspect ang comfort room ng naturang istasyon. Habang nagbibihis ay bigla na lamang siyang pinasok ni Lirasan saka ginahasa.
Dahil sa sumbong ng biktima agad ding inaresto at ikinulong ng mga pulis si Lirasan habang nakabinbin sa korte ang kasong pagpatay kay Orsolino. (Ellen Fernando)