Ito ang ibinabala ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. dahil noong 1998 ay samut-saring papogi ang ginawa ng Manila Water at Maynila para makuha ang water concession mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Ipinalabas ng dalawang kumpanya na magiging mura ang singil nila sa tubig bukod pa sa maayos na pagseserbisyo sa mga consumer.
Makalipas ang walong taon, ang Manila Water ay sumisingil na ng P19.73 per cubic meter kung saan 750% ang itinaas nito mula sa P2.32.
Ang Maynilad naman ay nagtaas ng 563% mula sa 4.96 per cubic meter noong 1997 hanggang sa umabot na ito ngayon sa P32.93 per cubic meter.
Dahil dito, iginiit ni Pimentel na ibuyangyang sa publiko ang rebidding ng Maynilad upang sa gayon ay makilatis ng mga consumer ang mga kumpanyang bibili rito.
Kabilang sa binigyan ng akreditasyon ng MWSS ay ang DM Consunji at Metro Pacific; Manila Water Co. na siyang concessionaire ngayon sa East Zone; Noonday Asset Management Asia of Singapore at Karunakan Ramchand ng India.
Aniya, kailangang maging bukas sa publiko ang bidding upang sa gayon ay mabulatlat ng consumer groups tulad ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan (Kaakbay) ang mga inaalok ng mga kumpanyang ito para makuha ang kontrata sa west zone. (Rudy Andal)