Coffee shop hinoldap, pati mga kostumer nilimas

Hinoldap ng tatlong hindi nakikilalang suspect na pawang armado ng mga baril ang isang coffee shop sa Tomas Morato kung saan maging ang mga kostumer dito ay tinutukan at kinuhanan ng mga mahahalagang kagamitan, kahapon ng tanghali sa Quezon City.

Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang panghoholdap dakong ala-1:30 ng tanghali sa Seattle’s Best Coffee shop sa Tomas Morato.

Nagpanggap munang mga kostumer ang mga suspect at nang makakita ng pagkakataon ay saka nagdeklara ng holdap kung saan mabilis na nilimas ang pera sa kaha ng establisimento na noo’y nag-iimbentaryo.

Hindi pa nakuntento pati ang pera, cellphone at mga alahas ng mga kostumer ay kanila ring kinuha.

Matapos ang panghoholdap ay mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng isang motorsiklo na hindi naplakahan.

Patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon laban sa mga suspect. (Doris Franche)

Show comments