Ayon sa report, ang tatlong Siamese crocodile na tinatayang may habang dalawang talampakan at nagmula pa sa Cambodia at dalawang bote ng wild orchid ay tinangkang ipuslit ng pasaherong si Enrique Yu Castillo Jr. ng Better Living, Parañaque City. Si Castillo ay dumating sa NAIA dakong alas-8:30 ng gabi noong Lunes lulan ng Singapore Airlines flight SQ-076.
Nabatid na isang impormante mula sa NAIA Wildlife Unit ng DENR ang nakipag-ugnayan sa posibleng pagdating ng nabanggit na pasahero dala ang kargamento.
Itinuturong si Castillo ang magsisilbing courier ng itinuturing na endagered species. Sa isinagawang pagsisiyasat, hindi idineklara ni Castillo ang dala nitong reptilya, sa halip sinabi nitong mga buhay lamang itong isda.
Kasalukuyang nakapiit ang suspect at pormal nang ipinagharap ng kasong paglabag sa probisyon ng Convention of International Trade of Endangered Species, habang ang nabawing buwaya ay ipinasailalim na sa pangangalaga ng DENR para sa kaukulang disposisyon. (Butch Quejada)