Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center bunga ng mga tama ng punglo sa katawan si Ernesto Melendrez, 38, butcher, ng P-3, Lot 98, Gozun Compound, Letre Road, Tonsuya, Malabon. Si Ernesto ay kapatid ni Dick Melendrez, ang photojournalist ng pahayagang Tanod na pinagbabaril at pinaslang sa loob ng kanyang bahay noong Hulyo 31, 2006
Kasalukuyan namang ginagamot sa nasabi ring ospital ang anak ni Dick na si Paulo Melendrez, 12 at iba pang biktima na sina Alfred Lumukso, 14 at Joseph Arcega, 14, na pawang nagtamo ng sugat sa binti. Pinaghahanap naman ng pulisya ang dalawang suspect na kinilalang sina Nonoy Mondarez at Reynaldo Malco, kapwa taga Gozun Compound.
Ayon kay PO2 Benjamin Sy, naglalakad sa Gozun Compound papasok sa trabaho si Ernesto nang tambangan ng mga suspect dakong ala-1:30 ng madaling-araw.
Agad na nilapitan ni Mondarez si Ernesto at pinaputukan habang nagsilbing look-out si Malco. Nagawa pang makatakbo sa bahay ang biktima subalit hinabol pa rin ng mga suspect at muling pinagbabaril ng sunud-sunod na naging sanhi ng pagkadamay ng anak ni Dick at iba pang kabataan na nasa lugar.
Lumalabas na paghihiganti ang motibo sa krimen dahil sa dati umanong alitan subalit tinitingnan pa ng awtoridad kung may kinalaman din ito sa pagpatay sa naturang photojournalist. (Ellen Fernando)