Ayon kay Dr. Felimon Porciuncula ng Quezon City -Scene of the Crime Operatives (QC-SOCO), dalawang suspect ang posibleng pumaslang kay Siervo bunga na rin ng mga saksak nito sa katawan.
Aniya, dalawa din ang ginamit na patalim batay naman sa sukat ng mga saksak at hiwa na tinamo ni Siervo habang tinangka nitong manlaban sa mga suspect nang kanila itong i-awtopsiya.
Sinabi ni Porciuncula na susuriin nila ang mga ebidensiyang naiwan ng mga suspect sa bahay ni Siervo tulad ng T-shirt at baseball cap maging ang hibla ng buhok na naiwan sa crime scene.
Samantala, lalong tumitibay ang anggulo na mga callboy ang pumaslang kay Siervo matapos na kumpirmahin ng ilang kaibigan nito na madalas umano itong magtungo sa isang gay bar sa Maynila ilang linggo bago maganap ang krimen. Ayon sa source na tumangging magpabanggit ng pangalan posibleng nagtungo sa nasabing gay bar si Siervo nang sila ay maghiwalay hanggang sa isama ito ng huli sa kanyang bahay.
Sinang-ayunan naman ng isang source sa QCPD, ang pahayag ng kaibigan ni Siervo subalit inamin nito na mahirap na magsasalita dahil na rin sa pagluluksa ng pamilya at pagiging sensitibo ng mga ito sa isyu. Gayunman, sinabi nito na iyon ang tinatakbo ng imbestigasyon.
Samantala, sinabi naman ni QCPD director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula na hinihintay pa nila ang resulta ng forensic examination ng SOCO sa fingerprints ng mga suspect. Aniya, inaasahang marami pa silang ebidensiyang makukuha sa tuluy-tuloy na imbestigasyon sa Siervo case. (Doris Franche)